# Community Partner

AMAPS

Salita para sa Scout

Alaala ng hari ng kalsada, huling araw ngayon

Miko Villavicencio

Contributor

Alaala ng hari ng kalsada, huling araw ngayon

Dibuho ni Cei Fernando | 2024

Mahalaga ang mga jeepneys sa kultura ng Pilipino at dapat ipahayag natin ang suporta para sa pakikibaka ng mga driver ng jeepney laban sa phaseout.

Ngayong April 30 ang huling araw ng Franchise Consolidation Program ng Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFTB. Ang programang ito sa mga tsuper at opereytor bilang Jeepney Phaseout at malaking bilang ng mga pampublikong dyip ang hindi na makakabyahe simula bukas, Araw ng mga Manggagawa.

Habang nagmumuni-muni ako sa sulok ng kwarto ko at dinadama ang yakap ng init at halik ng pawis na tumatagaktak mula ulo hanggang singit, binabalikan ko ang masasayang ala-ala ko kapiling ang mga dyup na naghahatid sa akin araw-araw sa paaralan at pauwi sa tahanan.

Sa dyip din nabubuo ang mga kwento kapag gagala kasama ang mga kaibigang pare-parehong pamasahe lang ang dala o sa mga camping na habang naglalakbay ay binabagabag kung magagalit ang nanay paguwi habang tumatakbo sa isip ko ang mga katagang, “mas madaling mag-sorry kaysa magpaalam.”

Habang nangyayari lahat ang pagiging emo ko na ito ay nag-chat ang punong patnugot naming na si Ate Ceine, ilang buwan na rin kasi akong hindi nakakapagpasa ng lathalain. Kaya naman minabuti kong isulat na lang ito para naman hindi ako bumingo sa AMAPS.

Tara, samahan ninyo akong isa-isahin ang mga dyip na madalas nating masakyan.

Maraming dyip sa Pilipinas pero naghihirap ang mga pasahero

Syempre, bago tayo mag-bardagol dito, balikan muna natin ang kasaysayan ng mga dyip at kung paanong sa kabila ng maraming bilang nila ay lagi pa ring hirap ang mga mananakay na bumyahe papasok ng trabaho o paaralan at pauwi.

Ang kalsada ay isang kaharian kung saan ang bawat sasakyan ay may kanya-kanyang titulo at katayuan, hindi maipagkakaila na mula noon hanggang sa ngayon ay dyip ang pangunahing takbuhan ng masang nagmamadali. TNVS para sa mga may pera o kaya walang choice. Ang presyo ng pamasahe dyan, GRABe.

Ang kasaysayan ng mga dyip ay tulad ng mga naghaharing uri, mayaman

Hindi naman sa Pilipinas talaga nag-umpisa ang mga dyip na ito, gaya ng kulturang lumalaganap sa ating bansa ngayon, ay dala ito ng mga Amerikanong mananakop.

Dala nila ang orihinal na dyip bilang sasakyan sa panahon ng digmaan, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naiwan ang mga ito sa Pilipinas at dahil likas nga tayong talentado, charot. Syempre, dahil sa pangangailangan, hinubog natin ito para maging isang porma ng pampublikong transportasyon na magagamit ng mga pangkaraniwang na Pilipino.

Dito nag-umpisa ang pagdami ng mga dyip sa lansangan.

Hari ng kalsada

Ang dyip ang tinaguriang ‘Hari ng Kalsada’ sa Pilipinas dahil sa ito ang pangunahing moda ng transportasyon sa bilang nila. Ito ang madalas makita sa kalsada at pinakamadaling sakyan mula at papunta sa mga lugar na kailangang datnan.

Sila ang mga haring walang yaman kundi ang lansangan at ang mga tsuper bilang kanilang Kapitan. Hindi ko sinasabing mahirap ang dyip pero hindi ito napapahalagahan ng maayos ng ating pamahalaan at bagamat ito ang pangunahin nating pinipiling sakyan, ay pilit sa ating isinusubo ang mga mamahaling moda ng transportasyon gaya ng mga TNVS na malakas din manamantala sa mga “partner-drivers” nito.

Noon pa man, kasangga na ng mga Pilipino ang mga dyip sa pang-araw-araw na buhay at maging tayong mga Scout, sila ang madalas nating maasahan sa paghahatid sa atin ng ligtas sa mga dyambori na pinupuntahan natin.

Ako ay isang mamamayan ng kaharian ng lansangang pinaghaharian ng dyip, yun nga lang maraming klase ang mga haring ito. Isa-isahin natin kung anong klaseng mga dyip ang madalas nating masakyan.

Snake Jeep

Kung mahilig ka sa roller coaster, ito ang dyip na para sa iyo.

Sila yung mga dyip na singit ng singit, akala moa has kung lumusot sa maliliit na espasyo at kung magpapalit-palit ng linya sa kalsada. Ang kaibahan lang nito sa ahas, hindi ito nanunuklaw sa halip ay sisiguruhin nilang maihatid ka sa pupuntahan mo sa takdang oras nang walang pangakong maayos pa ang buhok mo pagkatapos.

Kaya kapag nakasakay ka sa ganitong dyip, kapit ng maigi. Dahil ang hindi pagkapit ng mahigpit ay ikalalaglag mo sa upuan mong kalahati lang ng pwet ang nakalapat.

Rabbit Jeep

Kagaya ng nauna, kilala rin sila bilang madalas humarurot sa lansangan—may pasahero man o wala.

Paborable ito sa mga turtle passengers na makupad kung kumilos sa umaga. O kaya naman sila yung mga pasaherong may oras para magbabad sa social media pero walang oras para maligo at mag-almusal kasi mahuhuli na sa klase.

Madalang ang ganitong dyip, mga isa sa benteng dyip, ganoon.

Oo ng apala, para silang laging nangangarera kay pagong na tatalakayin natin sa susunod.

Pong, Pagong Jeep

Syempre, sa isang karera, hindi mawawala si pagong.

Naniniwala ka ba sa kasabihang “slow and steady wins the race”? Ay dyusko, ikaw ay mag-alala sapagkat buhay ay tiyak na karera! Kapag nakasakay ka sa ganitong dyip ay matatawag mo lahat ng santo kahit hindi ka Katoliko para lang umabot ka sa hinahabol mong oras.

Minsan nagiging mahusay ka rin sa Math at kinakalkula mo kung mas mabilis ka bang aabot kung bababa ka at lilipat ng sasakyan.

MANONG, MAHUHULI NA AKO SA KLASE! KONTING BILIS, PLEASE!

Formula 1 Jeep

Huwag magpapalinlang sa pangalan, hindi sila mabilis gaya ng pag-iibigan niyo. Ay!

Hindi din ito ang dyip na gusto mong matapat sa iyo kapag nagmamadali ka, bawat kanto tinuturing na pitstop. Kapag tinamaan ka naman ng malas, sila yung magpapahangin pa sa madadaanang vulcanizing shop tapos makikipagkwentuhan pa sa bantay.

Terminal-on-Wheels Jeep

Kung ang F1 Jeep ay pitstop ang tingin sa bawat kanto, ito naman ay ginagawang terminal ang bawat kanto, may tao o wala ay maghihintay ng hindi bababa sa limang minuto.

Madalas sila yung natatawag din ng mga kapwa tsuper nila na “largador” kasi hindi pumipila sa tamang pila, pero bumabawi ng pagpila kapag byahe na.

MANONG, MATAGAL PA BA?

Araneta-on-Wheels Jeep

It’s like party in the USA ang peg kapag dito ka nakasakay. Ang lakas ng lagabog ng mga speakers, damang-dama sa dibdib.

Minsan mapapasayaw ka na rin lang dahil sa tugtog at mapapasabi kay Manong na, “Boy you got my heartbeat running away,” parang si Nicki Minaj.

At bago ka pumaba mapapasabi ka na lang ng, “Kuya, stop the car!” Paano ba naman, sa lakas ng tugtog e hindi ka na marinig. Pwede namang may “Pull the string to stop,” di’ba? Peace yow!

Mission Impossible Jeep

Tila sila’y dakilang lumikha na nakakagawa ng imposible.

Siguro nararanasan mo ito madalas sa terminal, ito yung mga dyip na ayaw umalis hanggat hindi naabot ang gusto nilang quota. Iyo yung mga dyip na pang-siyaman ang upuan pero nagagawang pang-labing isahan.

NAGBABAYAD NAMAN AKO NG SAPAT AH! Bakit hindi sa hangin ako nakaupo?

SASHA Jeep

Hindi sila yung SASHA ng AMAPS ah, sila yung mga dyip na hindi ka hahayaang mag-isa, hindi ka hahayaang mag-isang pasahero.

I-SASHAy away ka nila kapag mag-isa ka na lang at ililipat ka sa dyip na handa pang bumyahe para sa iyo. Literal na nasa mga kamay nila kung anong oras ka makakauwi.

Madam Auring Jeep

Ito yung mga dyip na malakas makiramdam parang manghuhula.

Wala silang bolang crystal pero ramdam nila kapag nagmamadali ka. First stop? GASOLINAHAN. Ito yung tipong late ka nagising, late ka nakasakay, tapos magkakarga pa sila ng diesel.

“Boss full tank, uno lang ah?”

Inertia Jeep

Hindi naman ako scientist kaya huwag niyo akong i-cancel kung mali ang gamit ko.

Pero kapag ganitong klaseng dyip ang nasakyan mo, tiyak na gagaling ka magtantya kung saan papara. Lahat ng brain cells mo gagana kasi sinosolb mo na yung speed, velocity, distance, atlakas ng preno ng dyip para alam mo kung 500 metro pa ang layo mo sa bababaan mo ay papara ka na.

Sila yung pumara ka sa Alabang pero sa Sucat ka makakababa.

Ang lahat ng mga nabanggit ko ay masasayang ala-ala ko sa dyip, hindi ako nagrereklamo at mas pipiliin ko ang mga ganitong karanasan kaysa magbayad ako ng mahigit limang-daang piso para sa iilang kilometrong byahe na nakababad sa trapik.

Malaking bahagi na ng kulturang Pilipino ang dyip, at ang laban ng mga tsuper at opereytor sa hindi makamasang modernisasyon ay laban din nating mga komyuter.

Pilit sa ating nilalatag ang mga alternatibong “makakabuti sa kapaligiran” at “mas ligtas na transportasyon” habang isinasangkalang naman ang kabuhayan ng marami, hindi lang naman ng mga tsuper e, kung hindi pati na rin tayong mananakay.

Nariyan ang mataas na pasahe at mas maliit na bilang ng mga sasakyan. Hindi lang mga tsuper at opereytor ang kawawa dito, kundi maging tayong mga Scouts, mga mamamayan.

Kaya, sa laban ng tsuper, kasama ang komyuter.

Hindi tayo pepreno, hanggang sa muling paglalakbay. #NoToJeepneyPhaseout

Dibuho ni Cei Fernando | 2024

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.